Ang isang neurological disorder na nakakaapekto sa nervous system ay tinatawag na Adie’s pupil o Holmes-Adie syndrome. Ang utak, spinal cord, at mga ugat ay bahagi ng nervous system na kumokontrol sa mga involuntary o hindi kusang paggalaw ng katawan. Ang pagpapawis, paglalaway, at pagbahing ay mga halimbawa ng mga reflexive na aksyon na awtomatikong nangyayari. Hindi natin kailangang isipin ang mga pagkilos na ito upang magawa sila sapagkat natural itong nangyayari.
Ang mga pupils o ang maliit na parte sa gitna ng iris ay kinokontrol ng nervous system. Kung paano tumugon ang isang pupil sa ilaw ay kinokontrol din ng nervous system. Sa mga normal na kondisyon, ang mga pupils ay nagiging maliit, o nagcoconstrict upang papasukin sa mata ang mas kaunting ilaw kapag masyadong maliwanag ang kapaligiran. Sa mas madidilim na kapaligiran, lumalawak ang pupils o nagdadilate upang papasukin sa mata ang mas maraming ilaw at makatulong na mas makakita nang malinaw sa dilim.
Kung mayroon kang Adie’s pupil, mayroon kang isang hindi normal na tugon ng pupils sa ilaw. Karamihan sa mga kaso ng karamdaman ay nakakaapekto lamang sa isang mata. Mapapansin na ang apektadong pupil ay mas malaki kaysa sa normal na sukat ng isang pupil. Gayundin, hindi ito lumiliit o nagcoconstrict kapag nalantad sa maliwanag na ilaw.
Mga Sanhi Ng Adie’s Pupil
Ipinapalagay ng karamihan sa mga doktor na ang Adie’s pupil ay sanhi ng isang impeksyong viral o bakteryal na maaaring makapinsala sa mga ugat na responsable sa pagkontrol sa pupils. Iminumungkahi naman ng ibang mga doktor na sanhi ito ng isang autoimmune disease kung saan inaatake ng immune system ng katawan ang malulusog na tisyu na maaaring isama ang nerves o mga ugat na nagkokontrol sa mga pupils. Mayroong iba’t ibang mga pananaw hinggil sa sanhi ng Adie’s pupil ngunit walang siguradong sanhi sa likod ng neurological disorder na ito.
Ano Ang Mga Sintomas Ng Adie’s Pupil?
Ito ay isang bihirang kaso kung saan ang parehong mga mata ay apektado. May mga pagkakataong ang Adie’s pupil ay may kabaligtaran na epekto sa mga pupils ng pasyente. Ito ay kapag ang mga pupils ay hindi lumalawak sa dilim. Ang mga tao ay nagkakaroon ng maraming natatanging sintomas ng Adie’s pupil.
Ito ang mga sintomas ng Adie’s pupil na maaari mong maranasan:
- Isang pupil na mas malaki kaysa sa normal na pupil
- Isang pupil na hindi lumiliit o nagcoconstrict sa maliwanag na kapaligiran
- Pagkasensitibo sa ilaw
- Malabong paningin
- Ang mata ay nahihirapan sa mga gawain na nangangailangan ng malapit na pagtuon tulad ng pagbabasa
Ang labis na pagpapawis at pagkawala ng knee-jerk reflex ay mga sintomas na hindi nauugnay sa mata na karaniwan sa Adie’s pupil. Ang karaniwang paggamot para sa Adie’s pupil ay ang mga de-resetang bifocal o reading glasses na makakatulong sa mga gawain na nangangailangan ng malapit na pagtuon.