Ang hyphema ay ang koleksyon ng dugo sa anterior chamber ng mata, ang espasyo sa pagitan ng cornea at iris, na sanhi ng pagdurugo o isang napinsalang ugat sa mata.
Ang dami ng naipong dugo ang siyang sinusukat upang malaman kung gaano na katindi ang iyong hyphema:
Grade 0 (microhyphema): Ang koleksyon ng dugo ay hindi nakikita ngunit ang isang microscopic examination ang siyang makasusuri ng presensya ng mga red blood cells sa loob ng anterior chamber ng mata.
Grade 1: Ang koleksyon ng dugo ay matatagpuan sa mas mababa sa 1/3 ng ilalim na parte ng anterior chamber.
Grade 2: Ang koleksyon ng dugo ay makikita na sa halos kalahati ng anterior chamber.
Grade 3: Ang koleksyon ng dugo ay nasa higit pa sa kalahati o halos buong anterior chamber na ng mata.
Grade 4: Ang buong anterior chamber ay puno ng dugo. Tinatawag itong “total hyphema” kung ang dugo ay maliwanag na pula o “8-ball hyphema” kung naglalaman ito ng itim na dugo.
Ang panganib para sa pagkawala ng paningin ay nakasalalay sa antas ng hyphema. Ang pinakamapanganib na uri ng hyphema ay ang 8-ball hyphema na nauugnay sa pagbawas ng sirkulasyon ng aqueous humor at pagbawas ng oxygen sa anterior chamber ng mata.
Mga Sintomas Ng Hyphema
Ito ang mga sumusunod na sintomas na karaniwang nauugnay sa hyphema:
- Sakit ng ulo
- Sakit sa mata
- Malabo o baluktot na paningin
- Photophobia o pagkasensitibo sa ilaw
Mga Sanhi Ng Hyphema
Ang hyphema ay madalas na nangyayari pagkatapos ng trauma sa mata o pinsala sa mata na humantong sa pagkakaroon ng black eye. Maaari din itong kusang mangyari sa mga taong umiinom ng mga blood thinners o taong mayroong mga blood clotting disorders. Sa mga bihirang kaso, maaaring mangyari ang hyphema pagkatapos ng operasyon sa mata tulad ng operasyon sa cataract.
Paggamot Para Sa Hyphema
Inirerekomenda ng doktor sa mata ang iba’t ibang pag-iingat at paggamot batay sa antas ng hyphema:
- Limitahan ang pisikal na aktibidad
- Itaas ang ulo habang natutulog
- Magsuot ng eye shield
- Madalas na pagsusuri sa mata o eye checkup
- Paginom ng mga pain medication
- Paginom ng mga anti-inflammatory medications (topical or oral)
Ang ilang mga kaso na may matinding hyphema ay nangangailangan ng operasyon.
Ang pag-inom ng mga pain medications na mayroong aspirin o nonsteroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs) ay ipinagbabawal sapagkat sanhi ito ng karagdagang pagdurugo sa mata.
Ang madalas na mga pagsusuri sa mata ay mahalaga pagkatapos ng pagkakaroon ng hyphema upang masubaybayan ang mga panganib sa mata na maaaring mabuo tulad ng mataas na presyon ng mata at glaucoma.
Pag-iwas Sa Hyphema
Ang pagsusuot ng safety eyeglasses at iba pang proteksiyong pangmata sa panahon ng mga mapanganib na aktibidad ay ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang traumatic hyphema. Gayundin ang pagsusuot ng proteksiyong pangmata kapag naglalaro ng sports na may mataas na peligro ng trauma sa mata tulad ng baseball, softball, racquetball, basketball, o hockey ay inirerekumenda.
Ang paglahok sa mga sports tulad ng boxing at paintball ay dapat samahan ng paggamit ng isang malinaw at impact-resistant shield na kayang maprotektahan ang mukha at mga mata mula sa isang mataas na peligro ng trauma.