Ang ocular rosacea ay nauugnay sa isang pangkaraniwang inflammatory na sakit na nakakaapekto sa balat sa paligid ng mukha, dibdib, pati na rin ng mga mata. Ang kundisyon ay maaaring maiugnay sa genes at mga external factors tulad ng labis na pagkakalantad sa araw.
Mas maraming kababaihan ang naaapektuhan ng Rosacea kaysa sa mga lalaki. Ang ilan sa mga kamakailang pag-aaral ay nagpapahiwatig na 6-18% ng mga taong nasuri na may acne rosacea ay mayroon ding mga ocular na sintomas. Ang rosacea mismo ay pinaniniwalaan na nararanasan ng 1-10% ng pangkalahatang populasyon.
Mga Sintomas Ng Ocular Rosacea
Ang mga taong may kundisyon na rosacea ay karaniwang may kutis na “mapula” sa maagang yugto na nakikita bilang namumulang ilong at pisngi. Ang mga ito ay kalaunang nagiging bumpy o maumbok na mga sugat, acne, at maliliit na buhol-buhol na ugat na kilala bilang telangiectasias.
Ang pinakamalubhang kaso ng rosacea ay umuusad sa isang kundisyon na tinatawag na rhinophyma kung saan ang balat ay kumakapal kasama ang mga nag-uugnay na tisyu ng ilong at maaaring magresulta sa disfigurement.
Karamihan sa mga taong may rosacea ay maaaring hindi mapagtanto na ang kanilang mga mata ay kabilang din sa mga kasamang sintomas tulad ng mapula at makakating mata. Ang mga taong may ocular rosacea ay karaniwang may mga namumulang mata, tuyong mata, at blepharitis.
Ang ocular rosacea ay maaari ring maging sanhi ng photophobia – isang hindi pangkaraniwang pagiging sensitibo sa liwanag. Ang mga photochromic na mga lente na awtomatikong dumidilim bilang tugon sa sikat ng araw ay ilan sa mga pinakamahusay na pagpipilian upang mapawi ang discomfort.
Sa matinding kaso ng ocular rosacea, ang pamamaga ng kornea ay maaaring humantong sa impeksyon at corneal ulcer. Nangangailangan ito ng agarang atensyong medikal dahil kung hindi, maaari nitong butasin ang mata. Ito ay isang napaka-seryosong kondisyong medikal at maaaring maging isang nakakabulag na komplikasyon.
Mga Paggamot Sa Ocular Rosacea
Kinakailangan ng determinasyon at motivation na maglaan ng oras ang pasyente upang makontrol ang kondisyon. Kabilang sa mga hakabang ng paggamot ay ang paglinis araw-araw ng mga talukap sa pamamagitan ng:
● Medyo basang Q-tip o cotton buds upang linisin ang mga debris at oily secretions
● Maghalo ng shampoo ng bata o simpleng tubig upang hugasan ang mga apektadong parte
Ang paggamot gamit ang antibiotic at steroid ay madalas na inirereseta sa iba’t ibang panahon depende sa tugon ng katawan ng pasyente. Karaniwang epektibo ang mga tetracycline para sa rosacea dahil sa pagbawas nito sa lapot ng mga natural na oily secretions na nakakatulong din sa pagiwas ng pagbabara ng mga oil glands sa balat.
Ang dry eye syndrome na madalas na kasama ng rosacea ay dapat gamutin gamit ang mga eye drops sa loob ng 4 beses sa isang araw o higit pa, isang home humidifier, o mga punctal plugs para sa mas matitinding nanunuyot na mga mata. Ang isang permanenteng interbensyon ay punctal cautery na kung saan sinusunog ang mga tear duct openings.
Panghuli, ang topical metronidazole, isang antiparasitic agent, ay maaaring ipahid sa balat upang makatulong sa dermatitis na nauugnay sa rosacea. Ang gamot ay binubuo ng mga lokal na anti-inflammatory at immunosuppressive na mga components. Huwag kailanman ilapat ito nang direkta sa mga eyelid dahil ang produktong ito ay hindi pangmata.
Kung mayroon kang rosacea, maaaring irekumenda ng iyong doktor na iwasan ang mga triggers na puwedeng maging sanhi ng pamamaga, tulad ng alkohol, stress, at maaanghang na pagkain.