Ang shingles ay nailalarawan sa pamamagitan ng isang masakit na pulang pantal na may mga paltos na pumuputok at nagkakaroon ng scab. Ang herpes zoster virus ang sanhi nito. Ang chickenpox ay sanhi ng parehong virus.
Pumapasok ang virus sa mga nerve cells ng iyong katawan pagkatapos mong magkaroon ng bulutong o chickenpox. Maaaring wala kang anumang mga sintomas kung mananatili itong dormant (hindi aktibo). Gayunpaman, ang impeksyon ay maaaring muling mabuhay sa anumang oras, na nagiging sanhi ng mga bagong isyu.
Ang herpes zoster ay maaaring muling mabuhay habang tumatanda ka, lalo na kung ikaw ay higit sa 50. Maaari itong maiugnay sa normal na proseso ng pagtanda ng iyong katawan. Maaari rin itong sanhi ng isang bagay na nagpapahina sa iyong immune system. Narito ang ilan sa mga bagay na iyon:
- karamdaman o sakit (tulad ng HIV o iba pang mga sakit ng immune system)
- pagod o panghihina
- pagkabalisa o stress
- malnutrisyon
- radiation treatments o chemotherapy
- immune-suppressing nga mga gamot, tulad ng corticosteroids o cyclosporine.
Pagpigil Sa Pagkalat Ng Virus Ng Shingles
Ang herpes zoster ay isang nakakahawang sakit (naipapasa sa ibang tao). Maaari lamang itong maipasa sa mga taong hindi pa nagkakaroon ng bulutong o chickenpox. Ang chickenpox, hindi shingles, ay maaaring mabuo sa isang taong bago lamang nahawahan ng herpes zoster virus.
Kung mayroon kang shingles, lumayo ka sa mga taong mas madaling kapitan ng impeksyon. Ang mga sanggol, buntis na kababaihan, at matatanda na may mahihinang mga immune system ay nasa peligro lahat.
Mga Sintomas
Ang shingles ay nagsisimula sa pagkangilo ng balat, pangangati, at discomfort. Ang isang pantal ay mabubuo bilang isang resulta ng pamumula at pamamanhid. Ito ay nagkakaroon ng mga paltos, pagkatapos ay mag-iiscab habang naghihiwalay sila. Ang mga paltos at scab ay maaaring manatili sa loob ng maraming linggo. Ang tingling at pananakit ay maaaring magtagal sa isang mahabang panahon, ngunit ito ay bihirang maging permanente.
Ano Ang Epekto ng Shingles Sa Mata?
Ang herpes zoster virus ay maaaring lumikha ng mga isyu kung mahahawa ito sa mga nerves ng mata. Maaaring maging epekto nito ang mga sumusunod:
- Ang pang itaas at pang ibaba ng mga talukap ay may pantal
- mayroong pamumula, hapdi, at discharge sa loob ng iyong mga talukap at ang puting bahagi ng iyong mata. Kilala ito bilang conjunctivitis o “pink eye“
- iritadong mata
- bacterial infection sa mata
- mga problema sa paningin at tumataas na pagiging sensitibo sa maliwanag na ilaw
- pananakit, pamamaga, at pamumula (tinatawag na iritis) ng mata
- pamamaga ng optic nerve sa likod ng iyong mata (optic neuritis)
- pagkasira ng ibabaw ng kornea.
Kapag inaatake ng shingles ang mata, nasa panganib kang magkaroon ng mas matinding komplikasyon. Kasama sa kanila ang glaucoma, cataract, double vision, at corneal scarring.
Paggamot
Ang layunin ng paggamot ay upang maibsan ang pantal, edema, at pananakit na nauugnay sa shingles. Maaari itong isama ang mga sumusunod:
- Ang antiviral ay isang uri ng gamot na iniinom. Dapat itong mainom kaagad kapag napansin ang mga sintomas. Maaaring mabawasan ng mga antivirus ang tagal at tindi ng mga sintomas ng shingles.
- Para sa karagdagang kaginhawaan, gumamit ng mga cool, moist compress sa iyong nakapikit na mga mata.
- Ang pag inom ng mga iniresetang mga gamot upang makatulong sa pamumula, kakulangan sa ginhawa, at paggamot ng virus.
- Paggamit ng mga eye drops upang mapanatili ang moisture sa iyong mga mata.
Ang iba pang mga therapies ay kinakailangan kung ang shingles ay naging sanhi ng glaucoma, cataract, double vision, o pagkakapilat sa mata. Kung inirerekumenda ang operasyon o iba pang mga uri ng paggamot, tatalakayin ito sa iyo ng iyong optalmolohista.
Bakuna Para Sa Shingles
Ang Shingrix, isang pagbabakuna sa shingles, ay kinakailangan para sa mga taong 50 pataas ang edad. Ang pagbabakuna na ito ay binabawasan ang mga tiyansa na makuha ang sakit na shingles. Sa kabilang banda, ang pagbabakuna ng shingles ay hindi nakagagamot ng mga aktibong shingles o discomfort na sanhi nito matapos mawala ang pantal. Kumunsulta sa iyong doktor tungkol sa bakunang ito at kung angkop ito para sa iyo.