Pinipigilan ng isang baradong tear duct ang luha na normal na umagos o magdrain na siyang nagiging sanhi ng matubig at irritated na mata. Ang kondisyong ito ay karaniwang nararanasan ng mga sanggol ngunit gumagaling naman nang kusa at di nangangailangan ng medikal na interbensyon. Subalit, ang isang baradong tear duct sa matatanda ay maaaring maranasan matapos ang isang injury, impeksyon, o tumor.
Sa kabutihang palad, ang isang baradong tear duct ay madalas nagagamot. Ang mga paggamot ay nakadepende sa sanhi at sa edad ng apektadong tao.
Mga Sintomas
Ang isang baradong tear duct ay maaaring magpakita ng mga sumusunod na palatandaan at sintomas:
- Pamumula
- Labis na pagluluha
- Paulit-ulit na impeksyon sa mata o pamamaga (conjunctivitis)
- Crusting sa paligid ng takipmata
- Masakit na pamamaga sa sulok ng mata
- Malabong paningin
Mga Sanhi
Congenital blockage. Karaniwan sa mga sanggol ang pagkakaroon ng baradong tear ducts na siyang gumagaling nang kusa. Ang kadalasang sanhi nito ay ang hindi pa kumpletong pagdevelop o kakaunting abnormalidad sa tear drainage system.
Edad. Sa pagtanda ng tao, ang maliit na bukana kung saan ang mga luha ay nadedrain (puncta) ay nagiging mas makitid at madaling magbara.
Impeksyon o pamamaga. Ang paulit-ulit na pamamaga o impeksyon ng mga mata ay maaaring maging sanhi ng pagbara sa mga tear ducts.
Injury. Ang injury o pinsala sa buto o pagpepeklat na sanhi ng mga trauma na malapit sa drainage system ay maaaring makagambala sa normal na pag-agos ng luha at maging sanhi ng pagbara ng mga tear duct.
Tumor. Ang isang bukol na malapit sa mga tear ducts tulad ng ilong ay maaaring maging sanhi ng pagbara. Ang paggamot ng chemotherapy at radiation para sa cancer ay maaari ring maging sanhi ng pagbara ng mga tear ducts.
Eyedrops. Bagaman napakabihira, ang pangmatagalang paggamit ng mga eyedrops tulad ng mga gamot para sa glaucoma ay maaaring maging sanhi ng mga baradong tear ducts.
Mga Komplikasyon
Dahil sa nagagambalang pagdaloy ng luha, ang mga luhang naiwan sa drainage system ay stagnant. Ginagawa nitong madaling kapitan ang mata ng mga bakterya, impeksyon, at pamamaga na maaaring kumalat sa iba pang mga bahagi ng mata tulad ng conjunctiva.
Pag-iwas
Ang mabilis na paggamot ng mga impeksyon sa mata ay isa sa mga pinakamahusay na paraan upang mabawasan ang panganib na magkaroon ng mga baradong tear ducts. Ang ilang mga paraan upang maiwasan ang impeksyon sa mata ay kinabibilangan ng:
- Madalas na paghuhugas ng kamay
- Pagpigil na kuskusin ang mga mata
- Regular na pagpalit ng mga produkto sa mata at pagiwas na magpahiram nito sa iba
- Wastong kalinisan ng contact lens
Kailan Dapat Magpatingin Sa Doktor
Bisitahin kaagad ang iyong doktor kung napansin mo ang patuloy na pagbara ng tear ducts makalipas ang ilang mga araw. Kung labis kang nagluluha o paulit-ulit na nakakaranas ng impeksyon sa mata, nangangailangan ka na ng agarang atensyong medikal. Ang isang baradong tear duct ay maaaring sintomas ng mas malalang kondisyon tulad ng tumor na kailangang ma-diagnose nang maaga upang maiwasan ang karagdagang pinsala.