Ang corneal abrasions ay ang pinaka-madalas na pinsala sa mata na nakakatagpo ng mga doktor sa kanilang mga pasyente. Ang kornea ay ang transparent at kurbadang istraktura sa ibabaw ng ating mga mata. Ito ay isang maselan na hugis-dome na “bintana” ng mata. Ang anumang gasgas o pag-scrape sa kornea ay tinatawag na corneal abrasion.
Ang mga corneal abrasion ay madalas na sanhi ng direktang epekto ng matalim na mga bagay sa gitna ng iyong mata. Ang mga lapis, kuko, alikabok, o mga debris ay maaaring maging sanhi ng mga gasgas sa kornea. Ang pinsala na ito ay maaaring mangyari sa sinuman sa anumang edad ngunit mas karaniwang nakikita sa:
● Mga bagong silang na aksidenteng nakamot ang kanilang mga mata gamit ang mahahabang kuko
● Mga batang naaksidente sa mga matutulis na bagay gaya ng lapis o ibang panulat
● Ang mga atleta na walang safety gear sa kanilang mga mata. Ang football at baseball ay ilan sa mga pinaka-karaniwang sport na maaaring maging sanhi ng corneal abrasion.
● Ang mga taong nagtatrabaho sa construction, hardin, pananahi, o iba pang mga libangan na gumagamit ng matulis na kagamitan
● Mga nagsusuot ng contact lens na may mahahabang kulo
Ang Kornea at Ang Istraktura Nito
Ang kornea ay binubuo ng maraming mga layers at membranes. Ang tuktok na layer ay tinatawag na epithelium. Ito ay isang manipis, sensitibong layer na binubuo ng mga cell na katulad ng balat. Sa ilalim ng layer ay isang matigas na protective structure na tinatawag na Bowman’s membrane. Ang epithelium at Bowman’s membrane ay bumubuo lamang sa 10% ng kapal ng kornea.
Ang dalawang mga layer na ito ay ang pinaka apektadong mga lugar sa corneal abrasion. Ang mga abrasion na naaabot lamang ang pang-ibabaw na epithelium ay may mahusay na prognosis o paggaling nang walang pangmatagalang epekto. Bagaman, ang mas malalim na abrasion na nakakaapekto sa Bowman’s membrane ay mas madaling kapitan ng permanenteng mga peklat ng kornea. Ang mga scars o peklat mula sa corneal abrasions ay opaque at maaaring makagambala sa normal na paningin.
Karamihan sa mga corneal abrasion ay mababaw na pinsala na nakakaapekto lamang sa tuktok na layer ng kornea, o epithelium. Bagaman ang mga pinsala na ito ay maaaring maging napakasakit, hindi sila karaniwang sanhi ng mga permanenteng problema sa paningin, hindi katulad ng mga abrasions na tumagos sa Bowman’s membrane.
Mga Sintomas
Ang corneal abrasion ay maaaring maging sanhi ng mga sintomas tulad ng:
● Nagluluha at mapulang mata
● Isang pakiramdam na mayroon isang bagay sa loob ng iyong mata
● Pananakit ng ulo
● Hindi pangkaraniwang pagkasensitibo sa liwanag
● Malabong paningin sa apektadong mata
Diagnosis
Susuriin ng iyong doktor ang halatang mga pinsala sa kornea, mga piraso ng mga banyagang bagay, o mga gasgas sa iyong mga mata. Para sa pagsusuri ng maliliit na mga corneal abrasions, ang iyong doktor ay maaaring gumamit ng isang maliit na patak ng yellow-orange na dye at fluorescein upang hanapin ang mga abrasions sa iyong mata. Ang pangulay na ito ay gagawing mala-kulay berde ang mga abrasions sa mata sa ilalim ng isang espesyal na asul na ilaw.
Kadalasan, kung minor lamang ang corneal abrasion, walang kinakailangang karagdagang pagsusuri. Gayunpaman, kung ang pinsala ay mas seryoso, maaaring mangailangan ang iyong doktor ng slit lamp upang suriin ang iyong paningin.
Pag-iwas
Mahalagang iwasan ang mga corneal abrasions lalo na sa lugar ng trabaho at sports. Karamihan sa mga corneal abrasions ay maiiwasan sa pamamagitan ng:
● Regular na paggupit ng mga kuko lalo na para sa mga sanggol at toddlers.
● Paggamit ng proteksiyon na salamin na sumasakop sa buong mata sa trabaho o sa sports. Ang mga sports goggles na may mga lenteng polycarbonate ay maaaring gamitin ng mga atleta na naglalaro ng basketball, handball, badminton, o soccer.
● Magsuot ng protective eyewear na isinukat sa iyong mata. Ang maling eyewear ay hindi makapagbibigay ng wastong proteksyon para sa iyong mga mata lalo na laban sa alikabok at mga lumilipad na debris.
Magkaroon ng isang regular na iskedyul ng paglilinis para sa iyong mga contact lens bago gamitin ang mga ito. Ang mga alikabok o maliliit na particles ay maaaring maging sanhi ng mga gasgas sa iyong mga mata sa pagsusuot ng maruming contact lens.
Paggamot
Iwasang kuskusin ang iyong mga mata kapag nararamdaman mong mayroong isang bagay sa loob nito. Kung nakasuot ka ng mga contact lens, alisin ang mga ito kaagad. Hugasan ang iyong mga mata ng ilang minuto gamit ang malinis na tubig o gumamit ng mga eye drops upang makatulong na mapawi ang discomfort. Kung walang magagamit na eye drops o tubig, hilahin ang iyong itaas na takipmata palabas at pababa sa iyong mas mababang takipmata. Ang maneuver na ito ay makakatulong sa natural na pagdaloy ng iyong luha upang maalis ang debris.
Kung magpapatuloy ang mga sintomas, tumawag kaagad sa iyong doktor. Kung kinumpirma ng iyong doktor na mayroon kang corneal abrasion, ang mga antibiotic eye drops o pamahid sa mata ay maaaring ireseta upang maiwasan ang impeksyon sa nasugatang bahagi ng mata. Maaari ka ring resetahan ng acetaminophen (Tylenol), ibuprofen (Advil), o iba pang mga pangpawala ng sakit upang mabawasan ang discomfort.
Para sa mas malubhang mga corneal abrasion at labis na pagkasensitibo sa liwanag, maaaring kailanganin mong uminom ng cycloplegic na gamot. Ang mga gamot na ito ay maaaring mabawasan ang mga sintomas sa pamamagitan ng pansamantalang pagbawas ng aktibidad ng muscles na kumokontrol sa laki ng iyong pupils.
Iwasang magsuot ng mga contact lens at make-up hanggang sa ganap na gumaling ang kornea. Matapos makumpleto ang gamutan, maaaring iiskedyul ka ng iyong doktor para sa mga follow up na pagsusuri upang masubaybayan ang iyong mga sintomas sa paningin at mata. Kung ang mga sintomas ay hindi magamot sa loob ng 24 na oras, maaaring kailanganin mo ng mas kumplikadong gamutan.
Prognosis
Sa tamang paggamot, ang karamihan sa mababaw o minor na mga corneal abrasions ay gumagaling kaagad nang walang karagdagang mga komplikasyon. Kadalasan, kapag ang corneal abrasion ay mild at mababaw, mas mabilis itong gagaling. Ang mas malalim at matinding abrasion na umabot sa Bowman’s membrane sa ibaba ng epithelium o sa tuktok na layer ng iyong kornea ay may mas malaking tyansa na magdulot ng permanenteng mga scars ng kornea. Ang mga opaque scars na ito ay maaaring makagambala sa normal na paningin o pinakamalubha, maging sanhi ng pagkabulag.
Kung kinakailangan, ang matinding pagkakapilat o scar ay maaaring matagumpay na gamutin sa pamamagitan ng isang operasyon sa kornea. Sa wastong paggamot mula sa mga dalubhasang medikal, ang mga sintomas ng mata ng isang mababaw na corneal abrasion ay halos palaging napapabuti o nawala nang tuluyan sa loob ng 24 hanggang 48 na oras. Para sa mas matinding mga kaso ng pagkagalos, ang mga sintomas ay maaaring mas tumagal.