Ang isang sakit na nakakaapekto sa paningin na nauugnay sa AIDS (acquired immune deficiency syndrome) ay tinatawag na cytomegalovirus (CMV) retinitis. Mayroong mga pasyente ng AIDS na nagkaroon ng CMV retinitis. Ayon sa isang ulat, ang mga gamot na ginagamit upang gamutin ang AIDS ay nakatulong sa pagbawas ng pagkakaroon ng CMV retinitis ng higit sa 80 porsyento sa mga may late-stage AIDS.
Mga Palatandaan At Sintomas Ng CMV Retinitis
Inaatake ng cytomegalovirus ang retina sa pamamagitan ng pag-kompromiso sa mga light-sensitive receptor na nagpapahintulot sa atin na makakita. Ito ay nagiging sanhi ng mga floaters sa mata, malabong paningin, o bawas na peripheral vision pero walang kahit anong pananakit. Posible ring magkaroon ng mga light flashes at biglaang pagkawala ng panigin. Ito ay karaniwang nagsisimula sa isang mata at bihirang makaapekto ng dalawang mata kaagad. Ang CMV retinitis ay maaring magresulta sa pagkabulag o retinal detachment kung hindi ito gagamutin kaagad.
Mga Sanhi Ng CMV Retinitis
Ang cytomegalovirus ay isang virus na kabilang sa pamilya ng herpes. Ito ang virus na nagsasanhi ng CMV retinitis. Ang mga antibodies na kinakailangan upang malabanan ang CMV ay nakukuha ng halos 80 porsyento pagdating ng sapat na gulang na nangangahulugang na ang kanilang mga katawan ay matagumpay na makakalaban sa virus. Subalit, ang mga taong may AIDS ay hindi maaring labanan ang CMV virus dahil ang kanilang immune system ay masyado nang mahina. Maari din itong makaapekto sa mga indibidwal na sumasailalim sa chemotherapy at bone marrow transplant ngunit hindi madalas.
Paggamot Para Sa CMV Retinitis
Kailangang bumisita kaagad sa isang espesyalista sa retina kung nakakaranas ka ng mga visual na sintomas at mayroong aktibong AIDS. Kung ikaw ay bagong na-diagnose na may CMV retinitis, kailangan mong bisitahin ang isang espesyalista sa retina bawat dalawa hanggang apat na linggo. Ayon kay Robert Kalayjian, MD, isang dalubhasa sa mga nakakahawang sakit, “kung ang sakit ay kontrolado, ang mga pagbisita sa doktor ay maaaring kailanganin lamang tuwing tatlo hanggang anim na buwan”.
Ang mga gamot na ginamit para sa CMV Retinitis, lalo na ang mga antiviral na gamot, ay maari lamang mapabagal ang pag-unlad ng CMV ngunit hindi ito tuluyang magagamot. Ang mga gamot na ito ay Ganciclovir (Cytovene), Foscarnet (Foscavir), at Cidofovir (Vistide). Ang tatlong gamot na ito ay ibinibigay sa pamamagitan ng intravenous. Ang Ganciclovir ay maari ding ibigay bilang tabletang iniinom. Kung ito ay iinumin bilang tableta, ito ay ibinibigay dalawang linggo pagkatapos ng intravenous infusion. Ang Ganciclovir ay maaari ring maibigay sa pamamagitan ng Vitrasert, isang implant na intravitreal. Sa vitreous na katawan ng mata, ang implant ay maipapasok kung saan dahan-dahang maglalabas ito ng Ganciclovir. Ang implantation ay isang outpatient procedure na tumatagal lamang ng halos isang oras at nangangailangan ng local anesthesia.
Ang highly active antiretroviral therapy (HAART) ay gamot para sa HIV na nagpapahintulot sa immune system ng mga pasyente na may AIDS na labanan ang mga impeksyon tulad ng CMV retinitis. Subalit, mayroong mga pasyente na sumasailalim sa HAART na nagkakaroon ng immune recovery uveitis, isang kondisyong maaring makaapekto sa paningin.