Ang pagsusuri sa ilalim ng Wood’s Lamp ay kilala rin bilang black light test o ultraviolet light (UV) test. Sa pangalan palang, malalaman na natin kung anong uri ng pagsusuri ito, gumagamit ito ng ultraviolet (UV) na ilaw o transillumination upang suriin ang balat. Ang pamamaraang ito ay ginagamit upang makita ang mga impeksyon sa balat na maaaring maging bacterial o fungal.
Ang mga iregularidad sa balat at mga karamdaman tulad ng vitiligo ay maaaring makita sa pagsusuri sa ilalim ng Wood’s lamp. Ang pamamaraang ito ay isinasagawa sa isang madilim na silid at gumagamit ng isang maliit na aparato na kumikislap ng itim na liwanag sa iyong balat.
Ang balat na apektado ng ilang bacteria o fungi ay magdudulot ng pagbabago ng pigmentation sa balat sa ilalim ng liwanag. Ang pagsusuri sa ilalim ng Wood’s lamp ay maaaring mag-diagnose ng mga kondisyon tulad ng tinea capitis, pityriasis versicolor, vitiligo, melasma, erythrasma, at Malassezia folliculitis.
Maaaring matukoy ang gasgas sa iyong cornea o corneal abrasion sa pamamagitan ng pamamaraang ito. Ginagawa ito sa pamamagitan ng paglalagay ng fluorescein solution at paggamit ng liwanag ng Wood’s lamp upang lumiwanag sa apektadong lugar. Ang mga gasgas sa ibabaw ng mata ay kumikinang kapag ang liwanag ay tumama sa ibabaw nito.
Ang pamamaraan ay walang mga panganib dahil ang itim na ilaw na nilalabas ng Wood’s lamp ay hindi nakakapinsala.
Mga Babala Bago ang Pagsusuri
May mga pag-iingat bago ang pagsusuri, mahalagang sundin ito nang mabuti. Ang paghuhugas sa susuriing parte ng katawan bago ang pagsusuri ay ipinagbabawal pati na rin ang paggamit ng pampaganda, pabango, at deodorant. Ang paggawa nito ay maaaring makaapekto sa resulta ng pagsusuri dahil ang pagbabago ay maaaring mangyari sa balat sa ilalim ng liwanag dahil sa ilang sangkap ng mga produkto.
Sa pagsusuring ito, hindi na kailangan ng anumang pasilidad dahil ginagawa ito sa opisina ng iyong dermatologist o doktor. Ang pamamaraan ay napaka-simple at hindi ito kumokonsumo ng maraming oras.
Ang pasyente ay nangangailangang tanggalin ang damit sa parte na susuriin. Dapat madilim ang silid dahil ang pagsusuri ay nasa ilalim ng liwanag gamit ang Wood’s lamp.
Paliwanag ng mga Resulta
Ang kulay ng ilaw sa Wood’s lamp ay purple at violet. Kung normal ang resulta, hindi magkakaroon ng fluorescence ng mga spot sa ilalim ng liwanag.
Sa ilalim ng ultraviolet light, magkakaroon ng pagbabago sa kulay ng iyong balat kung mayroong bacteria o fungi. May iba’t ibang dahilan tulad ng hindi sapat na dilim ng silid at ang mga pampaganda ginamit bago ang pagsusuri ay maaaring magdulot ng false positive o false negative.
Mahalagang tandaan na hindi lahat ng impeksyong fungal at bacterial ay maaaring makita sa Wood’s lamp. Maraming mga pagsusuri sa laboratoryo at pagsusulit ang kailangan upang makagawa ng siguradong diagnosis.