Ang astigmatism ay hindi isang sakit. Ito ay isang uri lamang ng kundisyon sa paningin o isang problemang repraktibo. Ito ay nagdudulot ng malabong paningin na karaniwang nangyayari sa pandaigdigang populasyon.
Ang normal na mata ng tao ay mayroong isang kurba lamang at hugis itlog. Nangyayari ang astigmatism kapag ang kornea ay may hindi normal na kurba o hindi hugis itlog ang buong eyeball. Karaniwang nagsisimula ang astigmatism sa pagsilang at maaaring sundan ng nearsightedness o farsightedness. Kadalasan, ginagamot ito gamit ang mga de-resetang salamin sa mata o operasyon.
Pagpapaliwanag Sa Astigmatism
Ang ibabaw ng iyong mata ay ang kornea, kung tawagin. Ito ay isang transparent na dome na mayroon hubog tulad ng mga lente sa isang teleskopyo. Ang isang tamang hubog na kornea at tumpak ang pagkakafocus ng ilaw sa retina ay ang mga kinakailangan upang makabuo ng malinaw na paningin na syang iinterpretahin sa utak. Sa kabaligtaran, ang mga kornea at lente sa mata ay maaaring may hindi nagtutugma na mga kurba na nagpapalabo ng paningin, na siyang tinatawag natin bilang astigmatism.
Ang isa sa mga pinaka-nananaig na mga error na repraktibo ay ang astigmatism. Karaniwan itong sinasamahan ng myopia (nearsightedness) at hyperopia (farsightedness). Ang mga kasamang kondisyon na ito ay tumutukoy sa kategorya ng astigmatism na maaaring mayroon ang pasyente, tulad ng myopic, hyperopic, o mixed astigmatism.
Mga Sanhi
Ang pangunahing sanhi ng astigmatism ay ang hindi pagkakatugma sa anatomya ng mata. Sa isang mas malalim na pagpapaliwanag, ang anatomya ng mga mata ay binubuo ng dalawang kurbada na responsable sa pagkurba ng ilaw sa retina. Ito ay tinatawag na repraksyon. Ang dalawang kurbada na ito ay:
Cornea – ang transparent na lente sa harap ng mata
Lens – isang panloob na istrakturang transparent na nagbabago ng hugis para sa isang mas mahusay na pagfocus sa malalapit na mga bagay
Sa isang mata na walang astigmatism, kapwa ang kornea at lens ay may perpektong hugis-itlog at makinis na kurbada at kalatagan. Sa may wastong nakabalangkas na kornea at lens, ang ilaw ay pantay na narerefract upang makagawa ng isang malinaw na imahe direkta sa retina.
Mga Sintomas
Karaniwang mga palatandaan ng astigmatism ay:
● Malabong paningin
● Hindi komportable na pakiramdam sa mga mata
● Sumasakit na mga mata
● Madalas na pagsingkit
● Sakit ng ulo
● Hindi magandang paningin sa gabi
Pagsusuri
Sinusuri ng mga Ophthalmologist ang kornea para sa mga pagkukulang o kamalian sa istraktura nito. Gumagamit sila ng mga meridian lines upang masukat ang arko ng kornea. Gumagana ang mga Meridian tulad ng hilaga-hanggang-timog at silangan-hanggang-kanluran na mga meridian sa isang mapa.
Kapag sinusuri ang astigmatism, sinusunod ng mga doktor ang mga meridian tulad ng mga kamay sa isang orasan. Halimbawa, ang isang meridian ay nagkokonekta sa 6 (ibaba) sa 12 (itaas) at ang isa pang meridian ay mula 9 (kaliwa) hanggang 3 (kanan).
Ang isang perpektong kornea ay may pare-parehong arko. Gayunpaman, sa astigmatism, ang arko ay maaaring masyadong matarik o masyadong patag sa isang meridian kaysa sa isa pa. Ang pagtukoy ng mga pangunahing meridian na siyang pinaka matarik at pinaka-patag na bahagi ng kornea ay mahalaga sa pag-diagnose kung paano naapektuhan ng astigmatism ang paningin. Ang mga pagsusuring ito ay makakatulong i-kategorya ang astigmatism.
Mga Kategorya ng Astigmatism
Myopic astigmatism. Ang myopia ay ang malabong paningin sa malayo. Ang myopic astigmatism ay nangyayari kapag ang pangunahing meridian ay nakakalikha ng nearsightedness + astigmatism.
Hyperopic astigmatism. Ang hyperopia ay malabong paningin sa malapitan. Samakatuwid, ang hyperopic astigmatism ay gumagawa ng farsightedness + astigmatism.
Mixed astigmatism. Kapag ang isang pangunahing meridian ng kornea ay nagreresulta sa nearsightedness at farsightedness, tinutukoy ito ng mga doktor bilang mixed astigmatism.
Mga Karaniwang Uri ng Astigmatism
Regular Astigmatism. Ito ay nangyayari kapag ang pangunahing meridian ay 90 degrees ang pagkakalayo at lumalabas na perpendicular sa isa’t isa.
Irregular Astigmatism. Ang mga pangunahing meridian na hindi perpendicular sa isa’t-isa ay itinuturing na irregular. Ang keratoconus, scarring, at injuries ay maaaring ilan sa mga posibleng sanhi ng irregular astigmatism.
Corneal at lenticular astigmatism. Ang pinakakaraniwang uri ng astigmatism ay nangyayari sa kornea. Samakatuwid, ito ay tinatawag na corneal astigmatism. Sa mga bihirang kaso, ang astigmatism ay nagaganap sa intraocular lens na taliwas sa kornea. Ito ay ang tinatawag na lenticular astigmatism.
Mga Pagpipilian Sa Paggamot Para Sa Astigmatism
Salamin sa mata. Ang mga nagwawasto na lente ay maaaring ibalik ang isang 20/20 paningin sa mga taong may regular na astigmatism. Bagaman, ang malubha o hindi regular na astigmatism ay hindi na maibabalik sa 20/20 paningin ng mga de-resetang salamin.
Mga contact lens. Mayroong tatlong pangunahing mga pagkakaiba-iba sa mga espesyal na contact lens na naitama ang astigmatism.
● Toric. Ito ang mga soft contact lens na may magkakaibang antas ng repraksyon na umaayon sa mga meridian ng mata. Nagbibigay-daan ito sa paglinaw ng paningin.
● Gas permeable. Kung ihahambing sa mga toric lens, ang mga ito ay mga matitigas na lente na may magkatulad na hugis. Pinalitan nito ang epekto ng repraksyon ng kornea na nagbibigay ng mas malinaw na paningin kumpara sa mga toric lens. Dahil sa matigas na istraktura, ang mga gas permeable lens ay maaaring hindi gaanong komportable.
● Hybrid. Ito ay isang kumbinasyon ng mga toric at gas permeable lens. Dinisenyo ito na mayroong isang matigas na sentro para sa mas malinaw na paningin at may malambot na mga gilid upang makapagbigay ng higit na ginhawa. Ang mga hybrid at gas permeable lens ay mas mahirap makamit ang tumpak na fitting sa mismong mata ngunit maaaring magbigay nang mas mahusay na mga resulta.
Operasyon. Para sa mga malubhang kaso, ang pinakamahusay na mga paggamot ay operasyon kung saan maaaring baguhin ang pagkakahubog ng kornea at alisin ang mga cataract. Ang operasyong LASIK ay maaaring isa sa mga pinakamahusay na pagpipilian. Ang pamamaraang ito ay gumagamit ng mga high-precision lasers upang gawing mas simetriko ang kornea. Maaari nitong maitama nang tuluyan ang katamtamang degree na astigmatism.
Bukod dito, ang isang toric intraocular lens (IOL) ay maaari ding iopera sa loob ng mata upang itama ang astigmatism at alisin ang mga cataract nang sabay. Bago pumili ng pinakangkop na operasyon, timbangin ang lahat ng mga benepisyo at mga panganib ng bawat opsyon sa paggamot. Tandaan na ang operasyon ay permanente at maaaring hindi maibalik sa dati kung ano man ang maging resulta ng operasyon. Kaya, isaalang-alang ang lahat ng mga panganib bago sumailalim sa operasyon.
Ang astigmatism ay maaaring magkakaiba sa bawat indibidwal. Samakatuwid, kung ano ang maaaring maging pinakamahusay na paggamot para sa isang tao ay hindi nangangahulugang ito ang pinakamahusay para sa lahat. Magbigay nang labis na pansin sa mga detalye lalo na bago sumailalim sa operasyon.
Gumawa ng wastong pagsasaliksik at kumunsulta sa iyong doktor bago ang iyong huling pasya. Tutulungan ka ng iyong doktor ng mata na suriin ang lahat ng magagamit na mga pagpipilian para sa mas mahusay, mas malinaw, at mas komportable na paningin.