Maaaring ito ay kakaiba, ngunit alam mo bang maraming tao ang natutulog na nakabukas ang kanilang mga mata? Nakakagulat man, ngunit ito ay karaniwan. Gayunpaman, ang mga taong natutulog na nakabukas ang kanilang mga mata ay madaling kapitan ng mga problema sa mata tulad ng dry eyes, impeksyon, at injury sa mata.
Ang pagtulog na nakabukas ang mga mata ay tinatawag na nocturnal lagophthalmos. Halos 20 porsyento ng populasyon ang apektado. Karaniwang nangyayari ang kundisyon dahil sa mga problema sa facial nerves o muscles na pumipigil na tuluyang maisara ang mga mata. Ang mga problema sa balat na pumapalibot sa takipmata ay maaari ring sanhi ng kondisyong ito.
Ano Ang Mga Komplikasyon Ng Nocturnal Lagophthalmos?
Ang Nocturnal lagophthalmos ay nangangahulugang pagtulog na bukas ang mga mata. Ang mga indibidwal na may ganitong kondisyon ay maaaring madalas magkaroon ng impeksyon sa mata, pagtuyot ng mga mata, o pinsila sa anumang parte ng mata.
Ang mga komplikasyon ay maaaring kabilang ang:
● malabong paningin
● pamumula
● impeksyon sa mata
● pangangati
● pagkahapdi
● pagkasensitibo sa ilaw
● pinsala o injury sa mata
● hindi magandang kalidad ng pagtulog
● pakiramdam na may hindi kanais-nais na bagay sa loob ng mata
● ulser sa kornea
● exposure keratopathy
Ano Ang Sanhi Ng Nocturnal Lagophthalmos?
Ang nocturnal lagophthalmos ay isang bunga ng kawalan ng kakayahan ng mga muscles sa mukha, mga ugat, o balat sa paligid ng mga talukap upang makontrol ang mga muscles ng mata at panatilihing sarado ito.
Ang orbicularis oculi ay ang pagkaparalisa o paghina ng mga muscles ng mata na responsable para sa pagsara ng mga talukap. Ang mga kondisyong medikal na maaaring maging sanhi ng pagkaparalisa ng muscles o kahinaan ng mga ugat sa mukha ay kabilang ang:
● tumor sa utak
● Bell’s Palsy
● stroke
● Guillain Barre syndrome
● Moebius syndrome
Ang pinsala sa mata na sanhi ng trauma, operasyon, at mga impeksyon tulad ng ketong, beke, at Lyme disease ay maaari ring magresulta sa paralisadong mga muscles at ugat sa mukha. Bagaman bihira ito, ang mga taong may Graves’ ophthalmopathy at napakakapal na mga pilikmata ay maaaring ring maranasan ang nocturnal lagophthalmos.
Paano Magagamot Ang Nocturnal Lagophthalmos?
Karamihan sa mga tao ay hindi napagtatanto na natutulog sila nang nakabukas ang kanilang mga mata hanggang sa sabihin sa kanila ng ibang tao. Mahalagang magkaroon ng kamalayan sa kondisyong ito upang maipagamot ito nang maayos.
Ang iyong doktor ng mata ay maaaring magreseta ng mga eye drops, mga pamahid na pang-mata, artipisyal na luha, at mga moisture goggles upang maiwasan ang mga gasgas at panatilihin ang moisture ng mata. Ang external eyelid weight at mga surgical tape ay maaari ring ikabit sa ibabaw ng itaas na talukap upang mapanatili silang nakasara.
Para sa mga malubhang kaso, maaaring kailanganin ang operasyon kung saan ang isang gold surgical implant ay ipinapasok sa takipmata bilang isang permanenteng bigat ng takipmata upang mapanatiling sarado ang mga mata.
Nakakaapekto Ba Sa Kalidad Ng Pagtulog Ang Nocturnal Lagophthalmos?
Kung hindi gagamutin, ang nocturnal lagophthalmos ay maaaring mabawasan ang kalidad ng pagtulog. Ang pananakit at discomfort na sanhi ng kundisyon ay maaaring makaapekto sa pagtulog ng isang tao. Kung sa tingin mo ay mayroon kang nocturnal lagophthalmos, dapat mong bisitahin kaagad ang iyong doktor upang maghanap ng naaangkop na paggamot.