Ang color blindness ay hindi isang uri ng pagkabulag. Ito ay isang kondisyon na kung saan ang isang indibidwal ay walang kakayahang makakita ng mga kulay. Ang isang taong may color blindness ay nahihirapan na makita ang ilang mga kulay tulad ng pula, berde, asul, at dilaw.
Mga Palatandaan At Sintomas Ng Color Blindness:
Ang isa sa mga pangunahing palatandaan na ang isang indibidwal ay color blind ay kapag sinabi sa kanya ng ibang tao na ang kulay na nakikita niya ay mali. Ang isa pang palatandaan ay kapag ang isang indibidwal ay nahihirapang pangalanan ang mga kulay pula, berde, asul, at dilaw.
Madalas na napagkakamalan ang isang taong color blind ay nakakakita lamang ng mga kulay-abo o gray. Ngunit ang totoo, ang color blind na nakakakita lamang ng gray ay bihirang mangyari.
Inirerekomenda na magpatingin agad sa doktor sa mata kung ikaw ay nakaranas ng biglaang pagkawala ng color vision dahil maaari itong sintomas ng mas malubhang kondisyon tulad ng cataract.
Paano Nangyayari Ang Color Blindness?
Ang mga rods at cones sa loob ng retina ay responsable para sa paningin sa kulay at tinatawag silang photoreceptors. Ang photoreceptors ay nakatuon sa macula, na kung saan ay ang gitnang zone ng retina. Ang kabiguan ng mga light-sensitive cells na maayos na makaresponde sa wavelengths ng mga ilaw sa retina ay ang siyang nagdudulot ng color blindness.
Ang color blindness ay maaaring may kaugnayan sa iba pang mga sanhi tulad ng:
- Parkinson’s disease. Dahil ito ay isang neurological disorder, maaaring masira ang mga light-sensitive cells ng retina.
- Cataracts. Maaaring mabawasan ng katarata ang color vision dahil sa pag-cloud ng lente ng mata.
- Ilang mga gamot. Ang ilang mga gamot ay maaaring isang kadahilanan ng pagkahina ng color vision. Ang isang halimbawa ng gamot ay Tiagabine, isang gamot na anti-seizure na maaaring pahinain ng 41% ang color vision ng isang indibidwal.
Ang mga pinsala sa mga retinal cells dahil sa katandaan ay isa ring maaring sanhi ng color blindness.
Paggamot Para Sa Color Blindness
Wala pang lunas para sa color blindness, ngunit may mga mekanismo na makakatulong sa isang indibidwal na mapabuti ang kakulangan sa color vision tulad ng paggamit ng isang espesyal na salamin na maaaring mapahusay ang pang-unawa ng isang indibidwal sa mga kulay. Maari ding humingi ng tulong mula sa mga miyembro ng pamilya na lagyan ng label ang puti at may kulay na mga damit, o ang isang indibidwal ay mas ituon ang pagunawa sa kung paano gumagana ang isang bagay kaysa sa panlabas nitong kaanyuan tulad ng ilaw ng trapiko.
Kung sa tingin mo na mayroon kang kakulangan sa iyong color vision, inirerekumenda na bisitahin mo ang isang doktor na dalubhasa sa mata. Ito rin ay upang higit pang talakayin kung ang paggamit ng isang espesyal na color blind lens ay dapat na ireseta para sa iyo upang mapabuti ang iyong color vision.