Ang melanoma ay isang uri ng cancer sa balat na nakakaapekto sa mga melanocytes o mga cell na gumagawa ng melanin na nagbibigay kulay sa balat. Katulad ng ating balat, ang mga mata ay naglalaman din ng mga melanocytes na maaaring, kalaunan, ay magkaroon ng melanoma. Ang eye melanoma ay kilala rin bilang ocular melanoma.
Ang ocular melanoma ay maaaring mahirap tuklasin sapagkat ito ay kadalasang nagsisimula sa hindi nakikitang bahagi ng mata at kadalasang hindi nagsasanhi ng mga maagang palatandaan at sintomas. Sa kabutihang palad, ang paggamot para sa hindi pa malubhang melanoma ng mata ay karaniwang hindi nakakagambala sa paningin. Gayunpaman, ang paggamot para sa matinding mga melanoma sa mata ay maaaring maging sanhi ng pagkawala ng paningin.
Mga Sintomas
Maaaring kasama sa mga sintomas ng ocular melanoma ang mga sumusunod:
- lumalaking itim na tuldok sa conjunctiva o sa iris
- nakakakita ng mga flash o speck ng alikabok sa paningin (floaters)
- pagbabago sa hugis ng pupils
- nabawasan o malabong paningin sa isang mata
- mahinang peripheral vision o paningin sa gilid
Mga Sanhi
Naniniwala ang mga doktor na ang ocular melanoma ay nangyayari kapag ang DNA ng mga malulusog na cells ay nagsisimulang magkaroon ng mga abnormalidad. Ang mga abnormalidad ng DNA na ito ay sanhi ng mabilis at wala sa kontrol na paglaki ng mga melanocytes. Ang mga ito ay naging mga mutated cell at naiipon sa mata na nagdudulot ng eye melanoma.
Saan Eksakto Nangyayari Ang Ocular Melanoma?
Karaniwang nabubuo ang ocular melanoma sa uvea na naglalaman ng tatlong bahagi:
Iris – ang may kulay na bahagi ng mata
Choroid layer – isang layer sa pagitan ng sclera at retina sa likod ng uvea
Ciliary body – matatagpuan sa harap ng mata at gumagawa ng transparent na likido ng mata o ng aqueous humor
Ang ocular melanoma, bagaman napakabihira, ay maaari ding mangyari sa conjunctiva, eyelid, o sa socket na pumapalibot sa eyeball.
Sino Ang Pinaka Nanganganib?
Ang mga risk factors para sa eye melanoma ay kinabibilangan ng:
- Ang ilang minana na mga kondisyon sa balat. Ang mga taong may dysplastic nevus syndrome, ang abnormal na pigmentation ng balat, o iba pang minana na mga karamdaman sa balat ay maaaring magkaroon ng mas mataas na peligro na magkaroon ng eye melanoma.
- Di gaanong makulay ang mata. Ang mga taong may light na kulay ng mata tulad ng asul o berde ay maaaring may mas malaking panganib.
- Pagkakaexpose sa UV light. Ang UV light mula sa araw o mga tanning beds ay pinaniniwalaan na nag-aambag sa paguumpisa ng eye melanoma.
- Edad. Habang tumatanda ang isang tao, tumataas din ang peligro na magkaroon ng eye melanoma.
Mga Komplikasyon Ng Eye Melanoma
Maaaring kasama sa mga komplikasyon ang:
- Glaucoma. Ang lumalaking eye melanoma ay maaaring maging sanhi ng pagtaas ng presyon ng mata o glaucoma na may mga sintomas ng pagsakit ng mata, pamumula, at malabong paningin.
- Pagkawala ng paningin. Ang malalaki at malubhang mga melanoma ng mata ay karaniwang sanhi ng pagkawala ng paningin o retinal detachment sa apektadong mata. Ang maliliit na melanoma ng mata ay maaari ding maging sanhi ng pagkawala ng paningin kung matatagpuan ang mga ito sa mga kritikal na bahagi ng mata.
- Metastasis. Ang melanoma ng mata ay maaaring kumalat nang sistematiko sa katawan na maaaring makaapekto sa mga bahagi sa labas ng mata tulad ng baga, atay, at buto.