Ang retinal detachment ay isang seryosong kondisyon na maaaring magdulot ng pagkabulag. Ito ay ang paghiwalay ng retina mula sa mga tisyung sumusuporta rito upang gumana nang maayos. Kung hindi agad na maikakabit ang retina sa tamang mga tisyu, maaaring itong magresulta sa permanenteng pagkabulag.
Mga Sintomas Ng Retinal Detachment
Kung bigla kang makaranas ng mga floaters, light flashes, o spot sa iyong paningin, kasama ang biglaang paglabo na paningin, maaaring ito ay mga palatandaan ng retinal detachment. Ang isa pang sintomas ay maaaring pagkakita ng isang mala-kurtina na anino sa iyong paningin. Ang mga palatandaang ito ay maaaring mangyari nang dahan-dahan habang ang retina ay unti-unting humihiwalay palayo sa sumusuportang tisyu o maaari silang mangyari nang biglaan kung humiwalay agad ang retina.
Mga Sanhi Ng Retinal Detachment
Halos 50% ng mga pasyente na may punit sa retina ay maaring makaranas ng retinal detachment. Ang injury sa mata o mukha ay maaari ring maging sanhi ng retinal detachment pati na rin ang napakalalang nearsightedness. Ang mga sobrang myopic na tao ay may higit na pinahabang mga eyeball na siyang mas nagpapanipis ng retina at mas madaling madetach.
Sa mga bihirang kaso, ang retinal detachment ay maaaring mangyari pagkatapos ng operasyon ng LASIK sa mga taong sobrang nearsighted. Ang mga bukol, sakit sa mata, operasyon sa cataract, mga systemic disease tulad ng sakit na sickle cell at diabetes ay maaari ring maging sanhi ng retinal detachment.
Ang paggalaw ng mga likido sa mata o mga bagong daluyan ng dugo na umuusbong sa ilalim ng retina dahil sa kondisyong diabetic retinopathy, ay maaaring itulak ang retina mula sa sumusuportang tisyu at magdulot ng retinal detachment.
Paggamot Sa Retinal Detachment
Kinakailangan ang operasyon para sa pag-aayos ng detached na retina. Ang retinal detachment ay karaniwang walang sakit bagaman nagdudulot ng posibleng permanenteng pagkawala ng paningin. Ang agarang paggamot ay may mataas na posibilidad na maisalba ang paningin.
Ang mga opsyon sa pag-opera upang gamutin ang retinal detachment ay kinabibilangan ng:
Vitrectomy. Sa operasyon na ito, ang malinaw na mala-jelly na likido ay kinukuha mula sa likuran ng mata (vitreous body) at pinapalitan ng clear silicone oil upang ibalik ang humiwalay na bahagi ng retina pabalik sa retinal pigment epithelium.
Pneumatic Retinopexy. Sa pamamaraang ito, itinatanim ng doktor ang isang maliit na bubble ng gas gamit ang injection sa likuran ng mata upang itulak pabalik ang humiwalay na bahagi ng retina pabalik sa tamang posisyon.
Scleral Buckling Surgery. Ito ang pinaka karaniwang pamamaraan upang gamutin ang retinal detachment. Sa operasyong ito, itinatanim ang isang maliit na silicone o plastic band sa sclera ng mata. Ang silicone o plastic band na ito ay ang tutulak sa mata papasok upang mabawasan ang paghila sa retina at siyang tutulong upang maibalik ang retina sa tamang posisyon.
Ang iba pang mga paggamot para sa retinal detachment na sanhi ng isang punit o injury sa retina ay ang cryopexy (freezing probe) at mga pamamaraan ng photocoagulation (laser). Ang mga operasyon para sa muling pagkakabit ng retina ay hindi laging matagumpay na naibabalik ang paningin.
Ang posibilidad ng isang matagumpay na operasyon ay nakasalalay sa sanhi, lokasyon, at lawak ng retinal detachment pati na rin ang iba pang mga kadahilanan. Karaniwan, ang normal na paningin ay maaring maibalik kung ang detachment ay nangyari lamang sa peripheral retina at ang macula ay hindi apektado.