Ang diabetic retinopathy ay kilala na nakakaapekto sa mata na maaaring magresulta sa iba’t ibang mga kondisyon. Sa maagang yugto ng diabetic retinopathy, maaaring hindi mangailang ng paggamot dahil normal pa ang paningin.
Sa tulong ng paggamot, maaaring maiwasan at mapabagal ang pagkasira ng mata mula sa diabetes. Ang paggamot gamit ang laser, operasyong vitrectomy, at mga gamot ay ang pinakakaraniwang pamamaraan sa paggamot ng diabetic retinopathy.
Ang isang optalmolohista o isang dalubhasa sa retina ay maaaring matukoy at suriin ang pinakamahusay na paggamot ayon sa iyong mga pangangailangan at sitwasyon.
Dalawang Uri ng Paggamot Gamit Ang Laser
Ang focal o grid laser photocoagulation ay naglalayong direktang gamutin ang apektadong parte ng iyong mata. Ang ganitong uri ng laser ay tiyak na ginagamot ang mga daluyan ng dugo na napinsala ng kundisyon. Ang enerhiya ng laser ay ang siyang sumisira sa tisyu ng mata na napinsala ng kondisyon at nalilimas ang mga peklat na nagdudulot ng mga blind spot at pagkawala ng paningin.
Ang scatter (pan-retinal) laser photocoagulation ay nakakaapekto pangkalahatan kaya’t maaari nitong sirain ang ilang mga hindi napinsalang mga cell sa mata ngunit pinapabuti naman nito ang supply ng dugo sa retina na mahalaga upang mapanatili ang paningin. Ang enerhiya ng laser ay inilalapat sa higit sa 1000 spots sa paligid ng retina ngunit ang gitnang macula ay mananatiling hindi nagalaw.
Karaniwan sa mga paggamot gamit ang laser, hindi nito napapabuti ang paningin ng mga may diabetic retinopathy ngunit labis naman itong nakakatulong sa pag-iwas sa pagkawala ng paningin. Ang mga ganitong uri ng pamamaraan ay maaaring isagawa sa opisina ng doktor ng mata.
Mahalagang magkaroon ka ng isang taong gagabayan ka pagkatapos mong sumailalim sa laser treatment sapagkat maaari kang magkaroon ng malabong paningin sa loob ng isang araw o dalawa.
Pag-operang Vitrectomy
Sa mga kaso ng advanced diabetic retinopathy, ang dugo mula sa mga nasirang ugat sa mata ay maaaring tumagas sa vitreous na bahagi ng mata. Kapag nangyari ito, mapipigilan nito ang ilaw na maabot ang retina na nagiging sagabal sa paningin.
Ang vitrectomy ay ginagawa sa pamamagitan ng pag-aalis ng maulap na vitreous at pagpapalit nito ng malinaw na likido na nagpapahintulot sa iyong na makita nang malinaw at gamutin ang mga nasirang daluyan ng dugo sa iyong mata.
Karaniwan itong ginagawa sa isang ospital o pasilidad pang-opera. Kung kailangan mo ng vitrectomy sa magkabilang mata, gagawin ito nang paisa-isa.
Ang panahon ng paggaling ay tumatagal ng ilang linggo at may mga pag-iingat sa mga aktibidad na kailangan mong sundin. Ibinibigay ang mga gamot upang matugunan ang anumang discomfort na maaari mong maranasan sa panahong ito.
Mga Kailangang Inumin Na Mga Gamot
Ang isang protina na tinatawag na VEGF sa retina ay kilalang nauugnay sa diabetic retinopathy. Ang VEGF ang siyang nakatutulong na gumawa ng mga abnormal na bagong daluyan ng dugo sa retina ngunit mahina ang mga ito at madali silang tumagas na maaaring magresulta sa pagdurugo at pamamaga ng mata.v
Ang mga gamot na anti-VEGF ay makakatulong upang pahintuin ang VEGF sa pagtrigger ng paglaki at mabawasan ang pamamaga. Ang mga injection na corticosteroid ay makakatulong din upang mabawasan ang pagdami ng VEGF at maiwasan ang pamamaga sa macula.
Ang anti-VEGF at corticosteroids ay maaaring iinject o dahan-dahang ipasok sa mata gamit ang isang implant sa loob ng mata. Ang mga gamot na ito ay maaaring makatulong sa pagpapabuti ng paningin at mapabagal ang pagkawala ng paningin.