Ang cataract o katarata ay kilala bilang paglabo ng lente ng mata na kadalasang nagaganap sa pagtanda. Kung ito ay naroroon na mula sa pagsilang, ito ay tinatawag na congenital cataract.
Maaaring irekomenda ang operasyon para alisin ang cataract upang maiwasan ang amblyopia at pagkabulag sa mga sanggol ngunit depende ito sa lokasyon at density ng opacification.
Mayroong ilang mga kaso ng mga congenital cataract na nakakaapekto lamang sa isang maliit na bahagi ng lente na hindi nagiging sagabal sa normal na paningin at maaring matanggal gamit ang operasyon.
Mainam na maalis ang cataract habang bata pa upang maitaguyod ang normal na pag-unlad ng paningin. May mga dalubhasa na nagmumungkahi na ang pinakamainam na oras upang alisin ang mga cataract ay 6 na linggo hanggang 3 buwan mula kapanganakan.
Mahalagang pagplanuhan nang maigi ng mga magulang kasama ang mga doktor kung kailan aalisin ang congenital cataract ng isang sanggol. Pagkatapos ng operasyon, ang vision correction ay inirerekomenda upang hindi maapektuhan ang pag-unlad ng paningin ng sanggol. Maaari itong sa pamamagitan ng implanted intraocular lens (IOL), contact lens, o mga salamin sa mata.
Mga Sanhi Ng Congenital Cataract
Maraming mga kadahilanan kung bakit ang mga congenital cataract ay nangyayari. Maaaring ito ay dahil sa genes, impeksyon, mga problema sa metabolismo, diabetes, trauma, o pamamaga habang nagbubuntis.
Ang paggamit ng tetracycline upang gamutin ang anumang impeksyon na naranasan habang buntis ay ang tinutukoy na dahilan ng congenital cataract. Maaari rin itong maganap kapag ang ina ay nagkaroon ng tigdas at iba pang mga uri ng impeksyon habang nagbubuntis.
Ang pediatric cataract ay tumutukoy sa mga cataract na nagaganap sa mas matandang mga sanggol at bata. Posible ito na isang congenital cataract na hindi natukoy nang maaga.
Mga Uri Ng Congenital Cataract
● Ang anterior polar cataract ay maliit at matatagpuan sa harap na bahagi ng lente ng mata. Ito ay madalas na nauugnay sa genes at kadalasang hindi nangangailangan ng operasyon.
● Ang posterior polar cataract ay matatagpuan sa likurang bahagi ng lente ng mata na may mga kapansin-pansin na opacification.
● Ang mga nuclear cataract ay ang karaniwang anyo ng congenital cataract at ito ay madaling makita dahil lumilitaw ito sa gitnang bahagi ng lente ng mata.
● Ang cerulean cataract ay maliit at may mga bluish na tuldok sa lente. Maaari itong matagpuan sa parehong mga mata ng sanggol ngunit hindi ito kadalasang sanhi ng anumang mga problema sa paningin.
Ang operasyon o cataract surgery ay ang tanging paggamot para sa mga congenital cataract. Regular na bumisita sa doktor upang matukoy ang kalusugan ng mata ng iyong anak.